Umabot sa 55 ang mga nasita sa unang araw ng dry run ng pagbabawal sa mga tricycle, pushcart o kariton, pedicab, kuliglig, e-bike, e-trike at mga light electric vehicle na dumaan sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila.
Ito ay batay sa datos ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ayon sa MMDA, wala pa ring hulihan ngayong araw at papaalalahan lamang sila kaugnay sa regulasyon.
Sinabi ni MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes na ipinagpaliban ang pag-iisue ng ticket bilang bahagi ng information drive upang maging pamilyar ang publiko sa patakaran.
Pero simula bukas, April 17, pagmumultahin na ng ₱2,500 ang mga nagmamaneho ng naturang mga sasakyan na mahuhuling dumadaan sa mga piling pangunahing lansangan sa Metro Manila.
Kung hindi naman rehistrado o walang maipakitang lisensya ang nagmamaneho nito, kukumpiskahin at i-iimpound ang kanilang unit.
Magugunitang sinimulan ng MMDA na ipatupad ang pagbabawal sa mga e-bike, e-trike, tricycle, at kuliglig sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila nitong April 15. | ulat ni Diane Lear