Nagtungo si Vice President Sara Duterte sa burol nila Philippine Navy Lt. Jan Kyle Borres at 2nd Lt. Izzah Leona Taccad sa Libingan ng mga Bayani, Fort Bonifacio sa Taguig City.
Ito’y para personal na ipaabot ang kaniyang taos-pusong pakikiramay sa naulilang pamilya ng dalawang piloto ng Navy matapos ang pagbagsak ng sinasakyan nilang Robinson R22 Training Helicopter sa Cavite City noong isang lingo.
Dito, kinilala ng Pangalawang Pangulo ang dangal at sakripisyo na ibinigay ng 2 Naval Pilot bilang pagtupad na rin sa kanilang mandato.
Kasabay nito, nagpaabot din ng pakikiramay si VP Sara sa buong hanay ng Philippine Navy kasunod ng pagpanaw ng 2 nilang kapamilya, kaibigan at kasama.
Hanggang sa mga sandaling ito, wala pang inilalabas na ulat ang Philippine Navy hinggil sa resulta ng isinagawang imbestigasyon hinggil dito bilang paggalang na rin sa pagdadalamhati ng pamilya ng 2 nilang kasamahan. | ulat ni Jaymark Dagala