Itinutulak ng Department of Energy (DOE) ang VAT exemption sa pagbili at pagbebenta ng indigenous natural gas at sa pagbebenta ng enerhiya gamit ang indigenous natural gas.
Sa ginawang pagpupulong ng Senate Committee on Energy Technical Working Group tungkol sa Senate Bill 2247, iginiit ni Energy Undersecretary Sharon Garin na ang kanilang mungkahi ay bahagi ng fiscal incentives sa ilalim ng ipinapanukalang batas para sa pagpapalakas ng natural gas industry sa bansa.
Sa ilalim kasi ng Senate Bill 2247 na inihain ni Senate Committee on Energy Chairperson, Senador Raffy Tulfo, layong makabuo ng komprehensibo at integrated legislative policy para sa mabilis na development ng natural gas sector ng Pilipinas.
Umapela rin si Garin sa Department of Finance (DOF) na paboran ang fiscal incentives na ito para sa natural gas investors.
Aniya, dapat lang bigyan ng insentibo ng pamahalaan ang key players ng natural gas para masiguro ang pagpapalakas ng commercial transaction at lumaki pa ang investment sa indigenous natural gas industry.
Kaugnay nito, ipinaliwanag ng Prime Energy na kadalasan ay tumatagal ng pito hanggang 10 taon ang indigenous gas exploration hanggang sa production.
Sinabi pa ng Prime Energy na siyang operator ng Malampaya natural gas facility, posibleng umabot ng US $859 million ang magastos sa well-drilling at tie-back campaign na bahagi ng phase 4 ng proyekto.
Target itong matapos sa taong 2026.
Layon nito na maitaas pa ang indigenous gas production at makapagbigay ng enerhiya sa mas marami pang customer sa mas mababang halaga.
Binigyang diin namam ni Garin na ang paggamit ng indigenous natural gas resources ang solusyon sa mataas na bayarin sa kuryente at sa energy security sa bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion