Bahagyang bumaba ang average farmgate price ng palay nitong Marso, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa tala nito, umabot sa P24.52 ang kada kilo ng palay mula sa P25.03 na kada kilo noong Pebrero.
Gayunman, mas mataas pa rin ito ng 32% kung ikukumpara sa P18.57 kada kilo na palay farmgate price noong Marso ng 2023.
Sa mga rehiyon naman, sa Region 1 o Ilocos Region ang may pinakamataas na farmgate price ng palay na umabot sa P27.71 ang kada kilo.
Habang ang pinakamababa naman ay naitala sa Eastern Visayas sa ₱19.11 kada kilo.
Ayon sa PSA, bagamat may 10 rehiyon ang may pagbaba sa farmgate price sa nakalipas na buwan, lahat naman ng rehiyon ay nagtala ng positibong year-on-year growth rates nitong Enero.
Batay naman sa monitoring ng bantay presyo, mayroong mabibiling P46 na kada kilo ng regular-milled rice, P48 naman sa well-milled habang naglalaro sa P51-P57 ang kada kilo ng premium at special rice. | ulat ni Merry Ann Bastasa