Nasamsam ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Bangsamoro ang P6.8 milyon na halaga ng iligal na droga sa Lanao del Sur sa isang buy-bust operation.
Nahuli ang apat na suspek sa Purok 5, Barangay Manila Group, Bayan ng Wao, Lanao del Sur noong April 12, 2024.
Sa nasabing operasyon, narekober ng mga opisyal ang humigit-kumulang 1,000 grams ng methamphetamine hydrochloride na karaniwang kilala bilang shabu.
Bukod sa droga, nasamsam ng mga awtoridad ang buy-bust money, isang mobile phone, tatlong leatherette wallet na naglalaman ng samu’t saring identification cards, papeles na nagkakahalaga ng P450, at isang puting Toyota Revo.
Dinala agad ang mga suspek sa PDEA-BARMM jail facility at sinampahan na ng kaso dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 o mas kilala rin bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang matagumpay na operasyon ay resulta ng pagtutulungan ng iba’t ibang ahensyang nagpapatupad ng batas kabilang ang Lanao del Sur Provincial Police Office, Wao Municipal Police Station, at 1st Provincial Mobile Force Company, at Regional Highway Patrol Unit. | ulat ni Johaniah Yusoph | RP1 Marawi