Inaresto ng National Bureau of Investigation – Human Trafficking Division (NBI-HTD) ang isang ginang dahil sa pang-aabuso sa kanyang mga menor de edad na anak na babae sa Ginoog, Misamis Oriental.
Nag-ugat ang operasyon ng NBI nang matanggap ang sumbong mula sa Department of Justice- Office of Cybercrime sa Maynila.
Ayon sa reklamo, inaalok umano ng ginang ang tatlong menor de edad na anak sa online sexual show at exploitation.
Nang makumpirma ang sumbong, nagsagawa ng entrapment at rescue operation ang NBI agents at dinakip ang target suspect.
Sabay ding nasagip ang tatlong minor victims at itinurned-over na sa Department of Social Welfare and Development.
Patong-patong na kaso ang kakaharapin ng ginang, kabilang ang Anti-Trafficking in Persons Law in relation to R.A. 10175 Cybercrime Law, R.A. 7610 Child Abuse Law, at Rape by Sexual Assault at iba pa. | ulat ni Rey Ferrer