Pinabulaanan ni Atty. Jualie Lanting-De Mesa ng National Telecommunications Commission ang kumakalat na text message na nagsasabing maaaring mawala ang laman ng mga Gcash account kapag nag-update ang telecommunications company sa April 26, ang deadline ng SIM card registration sa bansa.
Sa pahayag ni Atty. Lanting-De Mesa sa ginanap na online Kapihan sa PIA, sinabi nitong walang katotohanan ang nilalaman ng text message.
Laman pa ng text message ang paalalang i-withdraw ang laman ng Gcash bago ang nakatakdang petsa.
Aniya, wala namang abiso mula sa Gcash, maging sa mga telecom, patungkol sa nasabing impormasyon.
Nilinaw pa ng opisyal na kapag hindi nakapag-register, magreresulta ito ng pag-deactivate ng SIM card numbers at pagkawala ng access sa Gcash, Paymaya at iba pang bank transfer applications.
Samantala, ibinahagi rin ni Atty. Lanting-De Mesa ang ilan sa mga pangunahing dahilan kung bakit ayaw magrehistro ng ilang mamamayan.
Isa na aniya dito ay dahil nangangamba ang ilan na hindi maprotektahan ang kanilang data privacy.
Bukod pa rito, luma ang unit o modelo ng cellphone na ginagamit ng ilan, dahilan para hindi sila maka-acccess sa internet at hindi makapagrehistro.
Marami pa rin, ayon sa opisyal, ang walang kaalaman sa pagrerehistro at iba ay walang alinman sa hinahanap na government issued IDs. | ulat ni Carmi Isles | RP1 Lucena