Nauwi sa pagkakasawi ng isang indibidwal, habang dalawa naman ang naaresto sa naganap na engkwentro sa pagitan ng mga kapulisan at mga armadong kalalakihan sa Brgy. Magogon, Camalig, Albay nitong Huwebes ng madaling araw, Abril 18, 2024.
Sa ulat ng PNP Bicol, nakatanggap umano ng sumbong ang Camalig Municipal Police Station mula sa isang residente sa nasabing lugar kaugnay sa presensya ng mga armadong kalalakihan.
Agad itong pinuntahan ng mga awtoridad ngunit pinaputukan sila ng mga ito. Tumagal ng 30 minuto ang sagupaan kung saan nasawi ang isang kasamahan ng mga armadong kalalakihan habang naaresto naman ang dalawa sa mga ito. Wala namang naiulat na nasaktan sa panig ng gobyerno.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina alyas “Marsi/Masi”, 42-anyos, isang construction worker na may kasong Attempted Murder at Destructive Arson at ang kasamahan naman nito na si alyas “Ka Yeng”, 44-anyos na may kasong Murder na walang inirerekomendang piyansa.
Samantala, isiniwalat rin ng isa sa mga naarestong suspek ang lugar kung saan tinatago ng rebeldeng grupo ang kanilang mga armas na matatagpuan sa Purok 3, Brgy. Panoypoy, Camalig. Dito nasamsam ang matataas na kalibre ng baril, bala at ilang kagamitan ang narekober ng awtoridad sa nasabing lugar.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang operasyon sa paghahanap sa mga nagsitakas na mga armadong kalalakihan. | ulat ni Gary Carl Carillo | RP Albay
📷: PNP Bicol