Hinikayat ni Senador Christopher “Bong” Go ang mga ahensya ng gobyerno at ang mga pribadong kumpanya na magpatupad ng “work from home policy” sa kanilang mga empleyado dahil sa tumitinding init ng panahon.
Pinunto ng senador na umubra naman ang WFH arrangements noong kasagsagan ng COVID19 pandemic kaya’t pwedeng ikunsidera ito sa mga pampubliko at pribadong manggagawa sa sitwasyon ngayong grabe ang init ng temperatura.
Pinaalala din ni Go na ang Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) ay may heat stroke, sunstroke at heat exhaustion package na nagkakahalaga ng 6,500 pesos.
Bukod dito, libre din aniya ang pagpapa-check up sa health centers maging sa Super Health Centers.
Una nang sinabi ng PAGASA na sa mga darating na araw ay maaring pumalo pa sa “extreme danger level” ang heat index sa bansa, kung saan maaaring umabot ng hanggang 52 degree Celsius pataas ang temperatura. | ulat ni Nimfa Asuncion