Inaayos na ng Department of Migrant Workers (DMW) ang proseso ng pagpapauwi sa mga labi ng tatlong Overseas Filipino Workers (OFWs) na namatay sa pagbaha sa United Arab Emirates (UAE).
Ayon sa DMW, nakikipag-ugnayan na ang Migrant Workers Offices nito sa Dubai at Abu Dhabi para maayos ang repatriation ng tatlong labi pabalik ng Pilipinas.
May pakipagpulong na rin ang Migrant Workers Office-Dubai at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa mga kaanak ng tatlong OFWs.
Batay sa ulat, dalawang babae at isang lalaking OFWs ang namatay sa nangyaring pagbaha.
Dalawa pang OFWs ang nagtamo ng injury mula nang mahulog sa sinkhole ang kanilang sasakyan at nagpapagaling na sa ospital.
Samantala, nakikipag-ugnayan din ang DMW at OWWA personnel sa Philippine Consulate General sa Dubai International Airport para tulungan ang iba pang OFWs at Pilipino na naantala ang flights dahil din sa masamang panahon.
Pero batay sa pinakahuling ulat ng MWO-Dubai, bumubuti na ang lagay ng panahon doon, bagama’t nananatili pa ring baha sa palibot ng Gulf State. | ulat ni Rey Ferrer