Pagsasayang lang daw ng pondo ng bayan kung itutuloy ang pagdinig ng Kongreso hinggil sa presensya ng mga Chinese student sa Tuguegarao, Cagayan.
Sa Pandesal Forum sa Quezon City, sinabi ni Herman Laurel, Pangulo ng Asian Century Philippines Strategic Studies, na sayang lang ang ipinasasahod sa staff ni Cagayan Congressman Jojo Lara dahil hindi ginawa ang kanilang trabaho na berepikahin ang mga datos sa Commission on Higher Education o CHED Region 2 at sa mga Higher Education Institutions.
Aniya, lumitaw na hindi totoo ang datos ni Lara na may 4,500 na Chinese National sa Tuguegarao, pero inulit-ulit umano ang maling impormasyon ni Sen. Risa Hontiveros.
Giit ni Laurel, dapat mag-sorry sina Lara at Hontiveros dahil sa maling akusasyon na ang layon ay pasamain ang imahe ng China.
Sinabi naman ni Sergio Ortiz-Luis, Jr., pangulo ng Employers Confederation of the Philippines na wala nang banyaga ang magkakainteres na mag-aral sa bansa kung sa bandang huli ay iimbestigahan sila.
Sa panig ni Peter Tiu Laviña, Second Vice-Chairman ng Association of Philippines-China Understanding (APCU) sa isang panahong may modernong teknolohiya, hindi na umano epektibo na mga foreign students ang maging espiya. | ulat ni Rey Ferrer