Nanawagan si Senate Committee on Public Services Chairperson Senadora Grace Poe sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at sa mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila na huwag na munang pagmultahin at i-impound ang mga e-trike at e-bikes na unang nahuli matapos ipagbawal ang mga ito sa national roads.
Ginawa ng senadora ang apela kasunod ng pagbibigay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng isang buwang grace period sa pagpapatupad ng naturang kautusan.
Nararapat lang aniyang mabigyan ang mga motorista ng sapat na panahon para makasunod sa bagong regulasyon lalo na’t may kalituhan pa kung ano lang ang pinagbabawal at kung saan pwedeng dumaan ang mga light electric vehicles na hindi sakop ng ban.
Kasabay nito ay hinikayat rin ni poe ang MMDA, LGUs at iba pang traffic authorities na gamitin ang one month grace period na binigay ng Pangulo para maapalam ng husto sa publiko ang nilalaman ng direktiba tungkol sa paggamit ng e-trikes at e-bikes sa national roads.
Kaugnay nito, umaasa rin ang mambabatas na magkakaroon ng dayalogo ang MMDA, kinauukulang ahensya ng gobyerno at mga stakeholders para makabuo ng balanseng polisiya kung saan maikokonsodera ang kapakanan ng mga komyuter nang hindi naisasakripisyon ang kaligtasan sa mga kalsada. | ulat ni Nimfa Asuncion