Umaapela si Navotas City Mayor John Rey Tiangco sa National Government na ikonsidera na ang pagtanggal sa moratorium sa pagtatayo ng mga Ecozone sa Metro Manila.
Ito ay upang mas bumilis ang pag-angat ng ekonomiya sa buong bansa.
Noong 2019, naglabas ng Administrative Order No.18 si dating Pangulong Rodrigo Duterte na nagba-ban sa mga aplikasyon ng anumang Ecozone sa Metro Manila.
Makalipas ang isang taon, naisabatas naman ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises na ang layunin ay tulungan ang mga negosyo na makabangon mula sa pandemya.
Sa ilalim ng Implementing Rules and Regulations ng batas, prayoridad ang National Capital Region.
Pero ng sumulat si Director General Tereso Panga ng Philippine Economic Zone Authority kay Executive Secretary Lucas Bersamin para linawin ang isyu, mas pinaboran nito ang Administrative Order na nagba-ban sa economic zone sa Metro Manila.
Dahil dito, sumulat si Mayor Tiangco kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na huwag isama ang Navotas City sa moratorium pero hanggang ngayon ay wala pang sagot ang Office of the President.
Sa ngayon, marami daw mga investors ang nais maglagay ng negosyo sa kanilang lungsod subalit hindi ito makausap dahil sa nasabing moratorium. | ulat ni Michael Rogas