Nagsuot ng itim na arm band ngayong umaga ang mga kawani ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources bilang pagpapakita ng suporta sa nasibak na National Director na si Atty. Demosthenes Escoto.
Kasunod ito ng inilabas na desisyon ng Ombudsman matapos mapatunayang guilty sa kasong katiwalian si Escoto sa pagbili ng BFAR ng communications equipment noong 2018.
Sa kanilang monday flag raising ceremony, kapansin-pansing karamihan ng mga empleyado ang nakiisa sa pagsusuot ng itim na ribbon sa kanilang mga braso.
May malaking tarpaulin din sa gate ng tanggapan kung saan nakapaskil ang mensahe ng suporta ng mga kawani kay Escoto.
Present naman sa flag raising ang itinalagang OIC na si Isidro Velayo, Jr. na nakikiisa rin sa mga empleyado.
Aniya, nagulat rin ito sa naging dismissal ng dating hepe na kilala niya sa dedikasyon nito sa trabaho.
Kasunod nito, nakiusap naman si Velayo ng pakikipagtulungan sa mga kawani nang hindi makaapekto ang sitwasyon sa paggampan ng kanilang mandato.
Kasama rin aniya sa direktiba sa kanya ni Sec. Tiu Laurel ang tiyaking tuloy lang ang trabaho sa ahensya. | ulat ni Merry Ann Bastasa