Tinatayang 13,000 iligal na istruktura ang kailangang gibain upang maisaayos ang ‘right of way’ at para sa kaligtasan na rin ng mga apektadong residente sa tabi ng North South Commuter Railway Project.
Ayon kay PNR General Manager Michael Macapagal, ang ilan sa mga hamong kinahaharap pa rin ngayon ng rail-based infra project ng pamahalaan na inaasahang makapagbibigay ginhawa sa mga Pinoy commuter.
Gayunman, aminado si Department of Transportation (DOTr) Undersecretary for Railways Jeremy Regino na mahalaga ang maingat na proseso ng demolisyon na dapat ay alinsunod sa batas.
Kabilang na ang pagdaraos ng malawakang information campaign at konsultasyon sa mga apektadong pamilya, ugnayan sa mga ahensya ng pabahay para sa relocation sites gayundin ang paghahanda ng mga subsidiya sa upa at iba pang mga allowance.
Ang NSCR ay ang 146-kilometrong riles na mag-uugnay sa Calamba City, Laguna patungong New Clark City sa Central Luzon, at target na magtayo ng 36 na istasyon para direktang pag-ugnayin ang iba pang mga rail transport system sa Metro Manila.
Kasunod nito, sinabi ni Regino na may mga ikinakasa na silang mekanismo para sa mga apektadong pamilya kung saan sila ay maaaring maghain ng mga reklamo, magpadala ng feedback o umapela. | ulat ni Jaymark Dagala