Pormal na idineklara ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. ang pagbubukas ng Balikatan 2024 sa seremonya sa Camp Aguinaldo ngayong umaga.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Brawner na layon ng pagsasanay na mapalakas pa ang ugnayan ng dalawang magka-alyadong bansa at mapaghusay pa ang kanilang kakayahang pang-militar.
Paliwanag niya, mayroong parehong pagpapahalaga ang Pilipinas at Amerika sa pagtataguyod ng matatag na Indo-Pacific Region kasama ang iba pang mga kaalyadong bansa.
Kasunod ng pormal na deklarasyon, isinagawa ni Philippine Exercise Director MGen. Marvin Licudine at U.S. Exercise Director Lt. Gen. William Jurney ang “unfurling” ng bandila ng Balikatan 2024, na hudyat ng pagsisimula ng taunang pagsasanay na pormal na magwawakas sa Mayo 10.
16,700 na mga sundalo at iba pang uniformed personnel ang lalahok sa pagsasanay kung saan nasa 11,000 rito ay mula sa Estados Unidos habang nasa 5,000 naman ang mula sa AFP.
Kasali din ang 150 sundalo mula sa Australian Defense Force gayundin ang French Navy; habang 14 na bansa ang nagpadala ng observers. | ulat ni Leo Sarne