Ngayong ginugunita ang Earth Day 2024 ay muling nanawagan sa publiko ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na makiisa sa climate action vs. plastic.
Tema ngayong taon ng Earth Day ang Planet vs. Plastics na layong palaganapin ang matinding panganib na dala ng plastic sa kalusugan ng tao at maging sa kapaligiran.
Sa isang pahayag, ipinunto ni Environment Sec. Maria Antonia Yulo Loyzaga na umaabot sa 2.7 milyong tonelada ng plastic waste ang nakokolekta kada taon sa Pilipinas kung saan 20% nito ang napupunta sa mga karagatan.
Tinukoy rin nito ang epekto ng microplastics na posibleng nakakapekto na rin sa kaulapan at climate change.
Dito sa Pilipinas, patuloy aniya ang pagkilos ng pamahalaan na una na ring nagpasa ng Extended Producer Responsibility Act of 2022 o EPR Law para mabawasan ang paggamit ng plastic ng mga kumpanya.
Kasunod nito ang panawagan na makiisa rin ang bawat isa para maisulong ang pagiging plastic-free sa loob ng mga tahanan.
Kabilang sa mungkahi nito ang pag-iwas sa single use plastics at paggamit ng reusable alternatives, reduce, reuse, recycle at pagsuporta sa mga eco-friendly na mga negosyo.
“Together, we can win this battle of planet vs. plastics. Every step we take counts, and we will need to work as one. It is our choice to act today or let our plastic waste determine our tomorrow. Earth Day must be every day. We will fight to win the war of Planet vs. Plastics.” | ulat ni Merry Ann Bastasa