Tiniyak ni Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel Jr. na nananatiling matatag at tuloy-tuloy lang ang trabaho sa buong Department of Agriculture.
Ito sa kabila ng dismissal ng Ombudsman kay Atty. Demosthenes Escoto bilang National Director ng BFAR na attached agency ng DA, ilang linggo lang matapos na masuspinde rin si NFA Administrator Roderico Bioco.
Ayon kay Sec. Tiu Laurel Jr., nagkataon lang na may magkasunod na adminsitrative order ang Ombudsman laban sa dalawang opisyal at ito ay magkahiwalay na isyu naman.
Dahil dito, hindi nakikita ng kalihim ang pangangailangan na magkaroon ng malawakang balasahan sa mga opisyal ng buong kagawaran.
Wala rin aniyang dapat ipag-alala sa operasyon ng BFAR dahil agad rin naman itong nagtalaga ng papalit sa nabakanteng posisyon sa katauhan ni Isidro Velayo, Jr.
Katunayan, makikipagpulong aniya mamayang hapon ang Kalihim sa itinalagang OIC ng BFAR para masiguro ang tuloy-tuloy na operayson sa ahensya. | ulat ni Merry Ann Bastasa