Gumawa ng mga hakbang ang Land Bank of the Philippines kung paano mababayaran ng Agrarian Reform Beneficiaries sa Eastern Visayas ang kanilang matagal nang pagkakautang.
Sinabi ni Rosemarie Arreglo ng DAR Eastern Visayas Agri-Credit and Microfinance Office na nakipag-ugnayan na ang DAR sa LBP upang matulungan ang ARBs.
Aniya, nakahanap na sila ng mga paraan kung paano mababayaran ang kanilang mga pautang nang hindi nawawalan ng pagkakataon na makakuha pa rin ng mga pautang sa mababang interes.
Sinabi ni Arreglo na ang delinquent loans ng ARB ay nagmula sa iba’t ibang credit assistance program na iniaalok ng DAR sa mga ARB.
Ipinaliwanag ni Restituta Ilagan, tagapamahala ng LBP Lending Center, ang mga ARB na may delinquent loans ay maaaring humiling ng alinman sa extension ng maturity ng kanilang mga pautang, restructuring, o mag-apply para sa conditional condonation ng penalty.
Gayunpaman, maaari lamang ibigay ng LBP ang kahilingan para sa extension ng maturity kung ang dahilan ay katanggap-tanggap tulad ng mga pangyayari sa kalamidad. | ulat ni Rey Ferrer