Nakatakdang magsagawa ng 10-araw na Multilateral Maritime Exercise sa pagitan ng Philippine, US at French Navy bilang bahagi ng Balikatan Exercise 2024.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad, ang aktibidad na isasagawa sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas sa West Philippine Sea ay magsisimula sa Abril 25.
Aalis ng Palawan ang mga barkong kalahok at maglalayag sa karagatang sakop ng 200 nautical mile EEZ.
Kabilang sa mga barkong lalahok sa panig ng Pilipinas ang BRP Davao del Sur o ang LD 602 at BRP Ramon Alcaraz o ang PS 16.
Habang ipapadala naman ng US ang kanilang USS Harpers Ferry; at sa panig ng France ay ang kanilang Frigate Vendémiaire.
Samantala, nakatakda ring magsagawa ng bilateral sail ang BRP Ramon Alcaraz at French Navy mula Abril 30 hanggang Mayo 3, na hindi bahagi ng Balikatan. | ulat ni Leo Sarne