Binalaan ni LTO Chief Vigor Mendoza II ang mga may-ari ng sasakyan na gumagamit ng mga mga sirena, blinkers at mga katulad na device na hindi awtorisadong gumamit nito.
Kasabay nito, inatasan ni Mendoza ang lahat ng regional directors na makipag-ugnayan sa lahat ng government agencies sa kanilang lugar para sa mandatory na pagtanggal ng mga nasabing device .
Ang aksyon ni Mendoza ay bilang pagsunod sa Administrative Order 18 na inilabas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Aniya, ang koordinasyon ay magbibigay daan para sa accounting ng government-owned at private motor vehicles na pag-aari ng government employees at officials na may sirena, blinker ngunit hindi kasama sa listahan ng mga pinapayagang gumamit nito sa ilalim ng AO 18.
Sa ilalim ng AO 18,mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng sirena at blinkers sa lahat ng opisyal at tauhan ng gobyerno.
Pinapayagan lamang na gumamit nito kung kinakailangan para sa official use ang Armed Forces of the Philippines , National Bureau of Investigation, Philippine National Police at mga trak ng bumbero, mga ambulansya, at iba pang mga sasakyang pang-emergency.
Nakikipag-ugnayan na ang LTO sa Department of Transportation at sa iba pang kinauukulang ahensya para sa pagsusuri, at pag-update ng mga umiiral na patakaran at alituntunin upang matiyak ang epektibong pagpapatupad ng AO.
Sa panig ng mga pribadong sasakyan nakikipag-ugnayan na ang LTO sa PNP at iba pang law enforcement agencies para mahuli ang mga lalabag.| ulat ni Rey Ferrer