Isinusulong ni Senate Committee on Public Information and Mass Media Chairman Senador Robin Padilla na magkaroon ng Senate inquiry tungkol sa posibleng paglabag sa press freedom sa pagpapatupad ng indefinite suspension sa Sonshine Media Network International (SMNI).
Sa inihaing Senate Resolution 1000 ni Padilla, ipinunto nitong ang pagpapataw ng walang basehang suspensyon sa SMNI ay hindi lang paglabag sa due process kundi paglabag rin sa press freedom.
Ayon sa senador, hindi dapat pinipigilan ang right to information ng taumbayan dahil ang pagkakaroon ng access sa impromasyon tungkol sa mga isyu ng public concern at general interest ay makakatulong sa democratic decision-making.
Ibinigay ring halimabawa sa resolusyong idineklara na ng Supreme Court ang kahalagahan at pagkakaugnay ng freedom of the press sa right to free speech at free expression.
Ang anuman aniyang pagtatangkang pigilin ito ay dapat siyasating mabuti.
Idinagdag rin ng mambabatas na wala pa ring malinaw na paliwanag mula sa National Telecommunications Commission (NTC) kung bakit kinakailangang suspendihin ang SMNI. Matatandaang sinuspinde ang operasyon ng SMNI mula pa katapusan ng 2023 at nag-isyu ng indefinite suspension sa SMNI nitong Enero. | ulat ni Nimfa Asuncion