Muling nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa mga medical doctor na bawal tumanggap ng anumang regalo o pribilehiyo mula sa pharmaceutical companies.
Ang paalala ng DOH ay bunsod ng ulat na nakarating sa kanila na umanoy talamak ang ginagawang pagbibigay ng pribilehiyo sa mga doktor mula sa mga kompanya kapalit ng pag-endorso ng mga brand ng gamot.
Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, nasa Code of Ethics ng mga medical doctors ang mahigpit na kautusan na bawal mag-endorso ng anumang brand ng gamot ang sinumang medical practitioners.
Mahaharap sa administratibo ang sinumang doktor ang mapapatunayan na nagpipilit sa kanyang pasyente na bumili ng brand ng gamot na eneendorso nito.
Nabatid ng kalihim na may mga kompanya ng mga gamot ang nagbibigay ng regalo sa mga doktor tulad ng libreng byahe sa ibang bansa, sasakyan, at marami pang katulad nito kapalit ng pag-endorso sa isang brand ng gamot. | ulat ni Mike Rogas