Inilatag ng Government Service Insurance System ang mga pamamaraan para maprotektahan ang kanilang mga miyembro partikular ang kanilang mga pensioner nito ngayong sobrang init ang nararanasan na panahon.
Ayon kay GSIS President at General Manager Wick Veloso, ang kanilang old-age pensioners ang isa sa ‘vulnerable individuals’ sa mga ganitong klaseng panahon.
Sa pamamagitan ng pagpapaganda ng kanilang online service, sinisigurado aniya ni Veloso na magagawa ng mga ito ang kanilang mga kinakailangang transaksyon nang hindi nakokompromiso ang kanilang kalusugan.
Isa sa mga maaaring gawin sa mobile app ng GSIS ay ang APIR o ang Annual Pensioner Information Revalidation, dito ay kinakailangang i-check ng mga taga-GSIS ang estado ng kanilang pensioner at ito anila ay maaaring gawin sa GSIS touch mobile app.
Maaaring i-download ang nasabing app sa sa app stores at sundin lamang ang mga simpleng steps para makumpleto ang kanilang status renewal.
Para naman sa mga pensioner na gusto ang mas personal na serbisyo ay maaaring magpa-schedule sa GSIS ng online interview, na makikita sa GSIS website, www.gsis.gov.ph. | ulat ni Lorenz Tanjoco