Welcome sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang naging resulta ng Tugon ng Masa (TNM) kung saan lumalabas na bumaba ang porsyento ng self-rated poverty at self-rated hunger sa unang quarter ng 2024.
Ayon kay DSWD Asst. Secretary for Disaster Response Management Group (DRMG) Irene Dumlao, patunay ang naturang survey ng OCTA Research na nasa tamang direksyon ang pamahalaan sa whole-of-nation at whole-of-government approach nito sa kampanya kontra kagutuman at kahirapan.
Kaugnay nito, tiniyak ng ahensya na patuloy na paiigtingin ang mga social protection programs para maiangat ang kabuhayan ng mas maraming Pilipino.
Kabilang na rito ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), Walang Gutom 2027: Food Stamp Program (FSP), at Supplementary Feeding Program (SFP) katuwang ang LGUs.
Batay sa OCTA survey na isinagawa mula March 11-14, lumalabas na 42% o tinatayang 11.1 milyong pamilya sa bansa ang itinuturing na mahirap sa unang quarter ng taon.
Mas mababa ito kumpara sa 45% o katumbas ng 11.9 milyong Pilipino na nagsabing sila ay mahirap noong ika-apat na quarter ng 2023.
Bumaba rin sa 11% o katumbas ng 2.9 milyong pamilya ang nakaranas ng involuntary hunger sa unang quarter ng 2024.
Mas mababa rin ito ng 3% kumpara sa 14% self-rated hunger rate noong huling quarter ng 2023. | ulat ni Merry Ann Bastasa