Lagpas na 285,000 pamilya o katumbas ng mahigit 1.2 milyong indibidwal ang apektado ng matinding tagtuyot na dulot ng El Niño phenomenon.
Batay sa pinakahuling datos mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang mga apektadong pamilya ay mula sa 1,880 barangay sa MIMAROPA, Regions 6, 9, 12 at CARAGA.
Sa ngayon nasa kabuuang 61 probinsya, siyudad at munisipalidad ang nasa ilalim na ng state of calamity na karamihan ay nasa Region 6 o Western Visayas.
Nananatili pa rin sa P1.2 bilyon ang pinsala ng tag-init sa sektor ng agrikultura at nasa halos 30,000 mangingisda at magsasaka na apektado ang pamumuhay.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pagbibigay ng tulong ng pamahalaan sa mga apektadong pamilya kung saan umabot na sa halos P500 milyon ang halaga ng tulong na naipamahagi na kinabibilangan ng financial assistance at family food packs. | ulat ni Leo Sarne