Kinilala ni House Speaker Martin Romualdez ang ipinatupad na mga anti-poverty program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na dahilan para sa malaking pagbaba sa bilang ng mga pamilyang Pilipino na kinokonsidera ang kanilang sarili na mahirap at nagugutom.
Kasunod ito ng resulta ng OCTA research na nakapagtala ng 3 percent na pagbaba sa bilang ng self-rated poverty ng pamilyang Pilipino mula 45% noong 4th quarter ng 2023 patungo sa 42% na lang sa unang quarter ng 2024, at self-rated hunger mula 14% pababa sa 11% sa kaparehong panahon.
“It is heartening to see that the number of families considering themselves poor has dropped to 42%, down from 45% in the previous quarter. Similarly, self-rated hunger has decreased to 11% from 14% in the same period. These figures represent a decline of approximately 800,000 families in both categories, a clear indication that our economic measures are effectively reaching and improving the lives of our people,” sabi ng House leader.
Giit niya ipinapakita nito na epektibo ang targeted policies ng pamahalaan na sinusuportahan naman aniya nila sa Kamara.
Ilan lamang dito ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), libreng kolehiyo at health insurance at iba pa.
Katunayan mismong ang Kamara sa inisyatibo ni Romualdez ay ikinasa ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair, CARD Program, Start-up, Investment, Business Opportunity and Livelihood (SIBOL), at Farmers Assistance for Recovery and Modernization (FARM).
Pinondohan din aniya nila ang AKAP program, para matulungan ang 12 milyong pamilya o katumbas ng 48 milyong Pilipino na itinuturing na low-income.
“Lahat po ng ito ay bilang suporta ng ating Kongreso sa mga programa ng ating mahal na Pangulong Marcos Jr. Makakaasa po tayo na ipagpapatuloy nating mag-isip ng mas maraming programa at ayuda para sa mga kababayan nating nangangailangan,” sabi ni Romualdez. | ulat ni Kathleen Forbes