Iniulat ng Philippine Navy na lumobo ang bilang ng mga barko ng China sa West Philippine Sea, isang linggo bago nagsimula ang Balikatan Exercise 2024.
Batay sa pinakahuling datos na inilabas ng Philippine Navy, nasa kabuuang 124 na mga barko ng China ang nakakalat sa iba’t ibang lugar sa West Philippine Sea.
Partikular na na-monitor ang mga barko ng China sa bisinidad ng Bajo de Masinloc, Ayungin Shoal, Pag-asa, Parola, Lawak, Panata, at Patag.
Ayon sa Philippine Navy ang mga barko ng China ay binubuo ng 11 barko ng China Coast Guard, 3 barko ng People’s Liberation Army-Navy, at 110 barko ng Chinese Maritime Militia na na-monitor mula April 16 hanggang April 22, 2024.
Ito ay mas mataas sa 79 na barko ng China na unang na-monitor mula noong April 9 hanggang April 15, 2024.
Sinabi naman ni Balikatan Exercises Director for the Philippines Major General Marvin Licudine na inaasahan na nila ang magiging presensya ng mga barko ng China sa kasagsagan ng pagsasagawa ng Balikatan Exercise 2024 ngunit hindi ito inaasahang magiging problema, basta’t nananatiling sumusunod sa international law ang nasabing bansa. | ulat ni Leo Sarne