Sisikapin ng Senado na mapagtibay ang panukalang reporma sa pensyon ng mga military and uniformed personnel (MUP) bago ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Hulyo.
Ito ang naging pahayag ni Committee Chairperson Senador Jinggoy Estrada matapos ang pakikipagdayalogo sa mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at Department of Finance para plantsahin ang naturang panukala.
Sa isinusulong na bersyon ng senador ng MUP Pension o ang Senate Bill 2501, ang mga bagong pasok lang sa militar ang kakaltasan ng seven percent para sa kanilang pensyon at ang natitirang 14 percent ay sasagutin na ng pamahalaan.
Nine percent naman ang ikakaltas sa sweldo ng mga new entrants sa PNP, Bureau of Corrections (BuCor), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), at National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA), habang ang 12 percent ay sasagutin na ng gobyerno.
Paliwanag ni Estrada, mas mababa ang ibabawas sa sweldo ng mga sundalo dahil may mga asset naman ang AFP hindi gaya ng ibang mga uniformed personnel.
Tiniyak rin ng senador na hindi papakialaman ang kasalukuyang pensyon ng mga retirado nang MUP. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion