Nilinaw ng grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na walang paggalaw ngayon sa farmgate price ng maraming agricultural products.
Sa pulong kasama sina House Speaker Martin Romualdez at Deputy Majority Leader Erwin Tulfo, sinabi ni Jayson Cainglet, Executive Director ng SINAG na tatlong buwan nang hindi tumataas ang farmgate price kaya hindi dapat isisi sa mga magsasaka at producers kung nagkakaroon man ng pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ang dapat aniyang tugunan ay ang ‘disconnect’ o ang pagtaas ng presyo pagdating sa retail price na ng mga pangunahing bilihin.
Halimbawa rito ang presyo ng baboy na nasa ₱220 lang farmgate price pero pagdating sa palengke ay pumapalo pa sa higit ₱360 hanggang ₱400 kada kilo.
Maging ang manok na ₱90 lang ang famrgate price ay dapat nasa ₱190 lamang pero pumapalo sa ₱200 sa palengke.
Dahil dito, humingi na ng tulong sa kongreso ang SINAG para masolusyunan ang tumataas na presyo ng ilang pangunahing bilihin.
Hirit nito, gamitin ang oversight functions ng kongreso para matukoy kung may nananamantala sa value chain. | ulat ni Merry Ann Bastasa