Pabor ang Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc. (PCAFI) sa plano ng Department of Agriculture (DA) na magtakda ng 10-araw na buffer stock para sa mga piling produktong agrikultura.
Ito ay para matiyak na magiging stable at hindi sisipa ang presyo ng mga bilihin sa merkado.
Ayon kay PCAFI President Danilo Fausto, matagal na nilang itinutulak ang strategic buffer stocking.
Maganda rin aniya ang naturang hakbang dahil sa pamamagitan nito ay madaling makakaaksyon ang pamahalaan sa tuwing may nananamantala sa presyuhan ng agri products.
Umaasa naman si Fausto na maging maayos ang proseso dito ng gobyerno kasama na ang pagpapatupad nito, pagtitiyak ng maayos na storage ng mga produkto at kung saan ito angkop na ibenta sa mas murang halaga bukod pa sa Kadiwa outlets.
Una nang sinabi ni DTI Consumer Protection Group Asec. Amanda Nograles sa pulong ng National Price Coordinating Council ang panukala ng Department of Agriculture na gumawa ng Implementing Rules and Regulations sa buffer stocking sa mga produktong agrikultura.
Ang mga kalakal na gustong bilhin para sa buffer stocking ay mga produktong natukoy na mga driver ng inflation kabilang ang bigas, mais, asukal, sibuyas, baboy, at mga pataba. | ulat ni Merry Ann Bastasa