Pinaalalahanan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga Pilipinong nagnanais magtrabaho at manirahan sa Canada na kailangan nilang dumaan sa verification process bago sila magtungo sa nabanggit na bansa.
Ginawa ni Migrant Workers Officer-In-Charge, Usec. Hans Leo Cacdac ang pahayag kasunod ng mga naitatalang insidente na ilang Pilipino ang nagtatrabaho at nagma-migrate sa Canada nang hindi muna dumaraan sa tamang proseso.
May mga ulat din aniya silang natatanggap na may ilang mga Pinoy ang tila kumakapit sa patalim at pinipiling magbayad ng malaking halaga sa mga hindi lisensyadong recruiter.
Paliwanag pa ni Cacdac, kadalasan aniyang ginagamit din ng mga Pilipino ang pagtatrabaho sa Canada para makakuha ng residency doon subalit nagkakaproblema naman sa sandaling mapaso na ang ibinigay sa kanilang visa.
Giit pa ng DMW Chief, kailangang dumaan sa beripikasyon nila ang mga Pilipinong nagnanais magtrabaho at manirahan sa Canada upang maprotektahan ang mga kababayan mula sa pananamantala ng mga illegal recruiter at human trafficker. | ulat ni Jaymark Dagala