Deepfake at manipulative ang video na gumaya sa tinig ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tila nagbabadya ng pakikipagdigmaan sa isang bansa.
Sa inilabas na statement ng Presidential Communications Office (PCO) ay sinabi nitong walang anomang kautusan ang Chief Executive sa Armed Forces of the Philippines (AFP) para giyerahin ang alinmang nasyon.
Kaugnay nito’y nakikipag-ugnayan na ang PCO sa Department of Information and Communications Technology (DICT), National Security Council (NSC), National Cyber Security Inter Agency Committee, at maging sa private sector stakeholders para tugunan ang pagkalat at malisyosong paggamit ng video at audio Deepfakes at iba pang generative AI content.
Hinikayat din ng PCO ang lahat na labanan ang fake news, misinformation, at disinformation kasabay ng panawagan na maging responsable at maingat sa mga ipino-post sa social media.
Ang Deepfake ay isang advanced na uri ng digital content manipulation sa pamamagitan ng generative AI na kung saan ay nagagawa nitong gayahin ang boses ng isang indibidwal. | ulat ni Alvin Baltazar