Inihayag ng Metropolitan Manila Developent Authority (MMDA) na pinag-aaralan na nilang pagsamahin ang motorcycle at bike lane sa mga pangunahing lansangan sa Kalakhang Maynila gaya ng EDSA.
Ito ang tinuran ni MMDA Acting Chairman, Atty. Don Artes kasabay ng pagsasabing “under-utilized” ang bike lane sa EDSA dahil sa mas kakaunti ang mga nagbibisikletang dumaraan dito kumpara sa mga nagmomotorsiklo.
Batay kasi sa datos, nasa 1,500 lamang ang mga gumagamit ng bisikleta na dumaraan sa EDSA bike lane bawat araw na di hamak na mas kaunti kumpara sa 170,000 na nagmomotorsiklo.
Magugunitang sinabi ng Department of Transportation o DOTr na kanila nang ikinukonsidera ang pagdaragdag ng motorcycle lane sa mga pangunahing lansangan bilang solusyon sa matagal nang problema sa mabigat na daloy ng trapiko.
Pero ayon kay Artes, wala silang napag-usapang “deadline” ng DOTr hinggil sa ginagawang pag-aaral hinggil sa naturang plano.
Samantala, hati naman ang sentimiyento ng ilang nagmomotorsiklo at siklistsa sa naturang plano.
May ilan na nagsasabing mas mainam na alisin na lamang ang bike lane at palitan ng motorcycle lane dahil sa mas marami anilang nakamotorsiklo ang dumaraan sa EDSA.
Pero sa panig naman ng mga siklista, anti-poor ang naturang hakbang at dehado anila silang mga bisikleta lamang ang kayang bilhin dahil sa mahal na presyo ng motorsiklo. | ulat ni Jaymark Dagala