Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Rommel Francisco Marbil na nakarating na sa kaniyang tanggapan ang rekomendasyon ng Firearms and Explosives Office na kanselahin ang License to Own and Possess Firearms (LTOPF) ni Kingdom of Jesus Christ Founder, Pastor Apollo Quiboloy.
Sa ipinarating na mensahe ng PNP chief, sinabi nito na inaaral na ng kaniyang tanggapan ang rekomendasyon ng PNP-FEO Firearm Revocation and Restoration Board at pinatitingnan niya ang mga ligal na probisyon nito.
Sakali aniyang matapos na ang pagrepaso sa naturang rekomendasyon ay kaniya na itong lalagdaan upang agad nang maipatupad.
Una nang nabatid na batay sa datos, 19 na baril ang naka-rehistro kay Pastor Quiboloy na mayroong outstanding warrant of arrest dahil sa mga kasong sexual abuse at human trafficking.
Magugunitang inilatag ni PNP Public Information Office Chief, Police Colonel Jean Fajardo ang mga dahilan na maaaring gawing batayan sa kanselasyon ng lisensya sa mga baril ni Quiboloy salig sa RA 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunitions Law.
Aniya, wala kasing record si Quiboloy ng pagiging marahas at nagpapatakbo ng Private Armed Group (PAG) kaya’t hindi siya itinuturing na Armed and Dangerous. | ulat ni Jaymark Dagala