Nananatiling committed ang Inter-Agency Committee on Inflation and Market Outlook na maabot ang target nitong gawing sapat ang suplay ng mga pangunahing bilihin at gawin pa rin itong abot-kaya.
Ito’y sa kabila ng patuloy na tumataas na presyo ng bilihin partikular na ang mga produktong agrikultural bunsod na rin ng epekto ng El Niño gayundin ang malikot na presyuhan ng langis sa pandaigdigang merkado.
Kahapon, nagpulong ang komite sa pangunguna ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan at co-chair nito na si Finance Secretary Ralph Recto.
Dito, kanilang tiniyak na makabubuo sila ng mga evidence-based at mga matitibay na rekomendasyon para matamo ang seguridad sa pagkain kung saan nagtatagpo ang kasalukuyang demand at abot-kayang presyo.
Una nang tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gumagawa ng hakbang ang pamahalaan upang mapanatiling abot-kaya ang presyo ng mga bilihin upang maibsan ang paghihirap ng mga Pilipino sa kinahaharap na krisis. | ulat ni Jaymark Dagala