Nadagdagan pa ang mga lugar sa bansa na inaasahang makararanas ng matinding heat index o damang init ngayong Huwebes, April 25.
Batay sa heat index forecast ng PAGASA, posibleng pumalo sa hanggang 47°C ang pinakamataas na heat index ngayong araw.
Ito ay posibleng tumama sa Sangley Point sa Cavite kung saan din naitala ang pinakamataas na heat index kahapon.
Sa ilalim ng ‘danger’ category, pinag-iingat ang publiko sa matagal na exposure sa araw dahil maaari itong mauwi sa heat cramps at heat exhaustion.
Samantala, nasa 42-46°C alinsangan din ang aasahan sa higit 30 pang lugar sa bansa kabilang ang Metro Manila na posibleng umabot pa sa hanggang 45°C ang heat index.
Una nang hinikayat ng PAGASA ang publiko na limitahan muna ang physical outdoor activities tuwing tanghali hanggang hapon upang maiwasan ang malalang epekto ng tag-init lalo’t posibleng tumindi pa ang mainit na panahon hanggang sa Mayo. | ulat ni Merry Ann Bastasa