Itinutulak ngayon ni Speaker Martin Romualdez na maimbestigahan ang lumalaking agwat sa farmgate at retail price ng bigas at iba pang pangunahing bilihin sa pagbabalik sesyon ng Kongreso sa susunod na linggo.
Ito’y matapos sabihin ng mga kinatawan ng mga retailer, producer, at grocery stores sa ipinatawag niyang pulong na hindi naman sila nagtataas ng presyo ng paninda.
Ayon kay Romualdez, aatasan niya si House Committee on Agriculture and Food Chair Mark Enverga na agad imbestigahan ang tila malaking pagkakaiba sa farmgate at retail prices ng basic goods.
“The discrepancy between farmgate and retail prices of basic goods is alarming and warrants immediate attention. We cannot ignore the plight of our farmers who are struggling to make ends meet, nor can we turn a blind eye to the burden placed on consumers,” sabi ni Romualdez
Sa naturang pulong, sinabi ni Jayson Cainglet ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na tatlong buwan nang hindi gumagalaw ang farmgate prices ng manok, baboy, bigas at maging sibuyas kaya’t hindi dapat tumaas ang presyo ng bentahan nito sa merkado.
Siniguro naman ni Romualdez na gagamitin ng Kamara ang oversight function nito para sa proteksyon ng interes ng mga consumer at producer lalo na laban sa mga nananamantala.
“It is imperative that we conduct a comprehensive review of our laws to ensure that they effectively safeguard the interests of our farmers and consumers. We must take proactive measures to prevent profiteering and promote a fair and transparent trading environment,” ayon sa House Speaker.
Hinikayat din ng House leader ang lahat ng stakeholders, kasama ang government agencies, industry representatives, at consumer advocacy groups, na aktibong makibahagi sa ipapatawag na pagdinig. | ulat ni Kathleen Jean Forbes