Naniniwala ang ilang kinatawan sa Kongreso na panahon nang i-tap ang iba pang pagkukunan ng suplay ng kuryente gaya ng renewable energy.
Bunsod na rin ito ng magkakasunod na araw na pagsasailalim sa alert status ng Luzon at Visayas grid, maging ng Mindanao.
Ayon kay Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores dapat pinaplano talaga ang suplay ng kuryente lalo na at lumalaki ang populasyon.
Kaya naman dapat aniya pagtuunan ng pansin ang pagpapalago sa renewable energy.
“…the supply of electricity talaga should be planned ahead, kasi as the population grows, dapat tayo rin in advance naghahanap na ng other sources of electricity so I think the renewable is the way to go, and I think we should focus on that also,” sabi ni Flores.
Sang-ayon din si Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na hindi sana kukulangin ang suplay ng kuryente kung gagamitin lang ang ating renewable energy.
Dagdag pa ng lady solon na hindi tamang tugon ang rotational brownout sa kasalukuyang isyu.
Isa pa sa ikinababahala ng mambabatas ay panibagong taas-singil sa kuryente.
“Sa totoo lang, hindi tayo mawawalan eh kasi yung renewable energy talaga natin ay andiyan. Hindi lang talaga natin ma-tap hanggang ngayon. Hanggang ngayon nakasalalay pa rin tayo sa kung ano yung previous nating power supply,” ani Brosas. | ulat ni Kathleen Jean Forbes