Umaasa si Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte na mabilis na lang uusad sa Senado ang panukalang Media Workers Welfare Bill matapos ihayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na sa ilalim ng Bagong Pilipinas, ay masisiguro ang malaya at ligtas na kapaligiran para sa mga mamamahayag.
Ani Villafuerte, ang pagpapatibay sa naturang panukala ang tulong ng Kongreso sa hangarin ng Pangulo na bigyang proteksyon ang mga manggagawa sa media.
Matatandaan na sa 50th anniversary ng Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP), ipinangako ng Pangulo ang pagprotekta sa press freedom at ang pagtitiyak ng kapakanan ng mga mamamahayag sa Pilipinas.
Nobyembre 2022 pa pinagtibay ng Kamara ang naturang panukala.
Nakapaloob dito ang ang pagtiyak na mabigyan ng suweldong naaayon sa batas ang media workers, security of tenure, overtime at hazard pay, kasama pa ang insurance at iba pang benepisyo. | ulat ni Kathleen Jean Forbes