Hinimok ni OFW party-list Rep. Marissa Magsino ang Overseas Filipino Workers na makibahagi sa nalalapit na 2025 elections sa pamamagitan ng pagpaparehistro.
Ito’y matapos dalhin ng COMELEC ang kanilang RAP o Register Anywhere Program sa OFW Tulong at Serbisyo Center sa isang mall sa Parañaque CIty.
Sabi pa ni Magsino na malaking bagay ang RAP upang mas maraming OFW at overseas Filipinos ang makapagparehistro at maging bahagi ng makasaysayang internet voting na gagawin sa 76 foreign posts.
“Ito’y ating ipinaglaban, kasama ang COMELEC, dahil batid natin ang hirap ng mga OFWs sa pagboto kada eleksyon dahil sa oras at layo ng kanilang trabaho sa mga polling places. Hinihikayat kong makilahok ang lahat ng ating overseas voters na magparehistro at bumoto upang makatulong sa pagpanday ng pamumuno sa ating bansa,” saad ni Magsino.
Target ng poll body na mapataas pa ang overseas voters na makarehistro para bumoto mula sa 1.1 million registered overseas voters na kanilang naitala noong Pebrero. | ulat ni Kathleen Jean Forbes