Tiniyak ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman ang suporta ng pamahalaan para sa mga apektado ng pagtama ng El Niño sa bansa.
Ayon kay Sec. Pangandaman mayroon pang nalalabing P15.507 billion mula sa National Disaster Risk Reduction Management Fund (NDRRMF) mula sa kabuuang alokasyon nito na P20.5 billion para sa 2024 GAA.
Kasama rin sa nasabing halaga ang P1 bilyon para sa parametric insurance coverage ng mga pasilidad ng gobyerno laban sa mga natural calamity.
Dagdag pa rito ang halos P8 bilyon na allocated sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan bilang bahagi ng Quick Response Fund ng mga ito.
May nakalaan din P4.5 bilyon para sa crop insurance na nasa ilalim ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC), ang kamakailangang inaprubahang Special Allotment Release Order (SARO) na aabot sa P4.5 bilyon, at Notice of Cash Allowance (NCA) para sa unang quarter ng taon na nagkakahalaga ng P900 milyon.
Sa kasalukyan, ayon sa pinakahuling ulat ng Task Force El Niño aabot na sa 103 lungsod at munisipalidad sa bansa ang nagdeklara na ng state of calamity.| ulat ni EJ Lazaro