Hinikayat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga Pilipino lalo na ang mga kabataan na manatiling yakap ang idelohiya ni Lapulapu na nagpakita ng katapangan sa makasaysayang Battle of Mactan.
Bahagi ito ng mensahe ng Chief Executive kaugnay ng ginagawa ngayong paggunita sa 503 taong anibersaryo ng tagumpay sa Mactan na dito’y kinikilala ang naging papel ni Lapulapu sa kasarinlan ng bansa.
Sinabi ng Pangulo na ipinakita ni Lapulapu ang tapang sa ginawa nitong pakikidigma sa Battle of Mactan na nagsilbi namang simbolo ng hindi matitinag na Pilipino sa paglipas ng taon.
Ayon pa sa Pangulo, ang tapang at pagmamahal ni Lapulapu sa bansa ay nagpapakita kung paano na naka-ugat sa komunidad ang integridad ng mga Pilipino na kayang magpabagsak kahit ng pinakamalakas na kalaban.
Dagdag ng Pangulo na mananatiling simbolo ng katapangan at karangalan ang bayanning si Lapulapu na likas na aniyang taglay ng bawat isang Pilipino.| ulat ni Alvin Baltazar