Nakatakdang isapormal ng Philippine Chamber of Commerce Industry (PCCI) – Makati at ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa pamamagitan ng isang kasunduan na itaguyod ang lungsod ng Makati bilang isang Halal Friendly City.
Layunin ng lalagdaang memorandum of understanding na paunlarin ang Halal Industry sa Pilipinas na magbubunga sa pagtatatag ng isang Halal hub sa Makati City.
Kung saan magsisilbi itong isang ecosystem at central platform para magbigay koneksyon sa pagitan ng mga Halal manufacturers, traders, buyers, at consumers. Palalakasin daw nito ang promosyon at distribusyon ng Halal products at services sa lungsod.
Bukod dito, tutulong rin ito sa mga negosyo na mapalawak pa ang mga oportunidad pagdating sa global Halal opportunities habang pinalalakas ang kanilang global competitiveness.
Nakatakdang gawin ang MoU signing sa ikalawang general membership meeting ng PCCI Makati na lalahukan nina DTI Secretary Fred Pascual at PCCI Makati President Toots Cortez.
Inaasahang magbibigay din ng mensahe si Aleem Guiapal, Program Manager ng DTI para sa Halal Industry Development, hinggil sa mga oportunidad sa global market ng Philippine Halal ecosystem. | ulat ni EJ Lazaro | RP1