Ipinanawagan ng Las Piñas City LGU sa pangunguna nina Mayor Mel Aguilar at Vice Mayor April Aguilar sa mga paw-rent sa kanilang lungsod na pabakunahan ang kanilang fur babies kontra rabies.
Simula bukas, April 29 hanggang 30, ay magsasagawa ng libreng barangay wide animal rabies vaccination ang lokal na pamahalaan ng Las Piñas sa pangangasiwa ng Las Piñas City Veterinary Office sa Barangay Talon Dos magmula 9:00 ng umaga hanggang 12:00 ng tanghali.
May ilang paalala rin ang City Veterinary sa mga residente bago dalhin sa vaccination site ang mga alagang hayop tulad ng dapat ay nasa tamang edad ito na tatlong buwan pataas, walang sakit, masigla at kumakain. Dapat din daw ito ay nakatali o nasa carrier, at magdala ng sariling ballpen para sa pagsulat ng detalye nila muning at bantay.
Kahapon, ipinanawagan din ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos ang mga pet owners sa isinagawang KALINISAN clean-up drive as Barangay BF International sa Las Piñas na pabakunahan kontra rabies ang mga alagang hayop.
Ayon sa kalihim, mataas ang record ng rabies ngayon bagay na pinatotohanan ng mga datos ng Department of Health (DOH) kung saan hindi bababa sa 89 na kaso na naitatala mula Enero hanggang Marso ngayong taon na nagresulta sa 100 percent fatality rate.| ulat ni EJ Lazaro