Inanunsyo ng ilang paaralan sa Maynila na simula bukas, Abril 29 hanggang 30 ay magsasagawa muna ang mga ito ng online o hindi naman kaya ay asynchronous classes dahil sa isasagawang transport strike at maiwasan ang matinding init ng panahon.
Sa advisory na inilabas ng University of Santo Tomas (UST), magsasagawa ito sa darating na Abril 29-30 ng enriched virtual mode of instruction kung saan kapwa online synchronous at asynchronous muna ang mga klase.
Sa Far Eastern University naman sa Maynila at sa Makati, online din muna ang klase sa darating na Lunes at Martes.
Gayundin sa University of the East sa Manila at Caloocan kung saan magsasagawa ng muna ng online synchronous classes sa susunod na dalawang araw. Maliban sa UE College of Dentistry na on-site synchronous ang mga klase habang offsite asynchronous naman para sa UE College of Computer Studies and Systems.
Bukas hanggang sa May 1, Araw ng Paggawa, magsasagawa ng nationwide transport strike ang grupo ng mga tsuper na tataon sa huling araw ng consolidation sa April 30.
Habang ilang araw nang nakakaranas ang Metro Manila at ilang lugar sa bansa ng mataas na temperatura at heat index.
Kahapon, naitala ang pinakamainit na temperatura simula noong 1915 sa Metro Manila kung saan pumalo ito sa 38.8 degrees celsius sa area ng NAIA sa Pasay City.| ulat ni EJ Lazaro