Inisa-isa ni Speaker Martin Romualdez sa harap ng alumni ng Cornell University sa ginanap na Spring Brunch and Education Forum ang healthcare agenda ng Kamara na layong pag ibayuhin ang serbisyong pangkalusugan ng mga Pilipino.
Aniya, hindi lang sila basta gumagawa ng batas ngunit aktibo ring tumutulong sa ehekutibo para mapagbuti ang buhay ng bawat Pilipino sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.
Ilan sa mga hakbang ng Kamara na kaniyang ibinida ay ang komprehensibong review sa charter ng PhilHealth na pangunahing health insurance provider sa bansa.
Maliban dito, ibinida rin ng lider ng Kamara na kasabay ng National Women’s Month, inanunsyo ng PhilHealth ang pagtataas sa healthcare package ng breast cancer patients mula P100,000 patungong P1.4 million.
Maliban pa ito sa libreng mammogram at breast ultrasound na ikakasa sa Hulyo.
Para rin tugunan ang paggamot sa sakit na cancer ay sinimulan na ang konstruksyon ng Philippine Cancer Center.
“It is a landmark in our healthcare infrastructure, focusing on the plight against cancer, which touches the lives of so many of our citizens,” sabi ni Romualdez.
Bukod dito inilatag din ni Romualdez ang ilan sa mga panukala para sa healthcare sector gaya ng amyenda sa Universal Health Care Act para suapindihin pansamantala ang Philhealth contribution increase, Magna Carta of Barangay Health Workers at pagtatatag ng Virology Institute of the Philippines.
Kasama rin sa solusyon para mapaganda pa ang health service ay ang pagluwag sa economic provisions ng saligang batas upang makapanghikayat ng mga mamumuhunan.
“By inviting investments, we look to build a future where health services are not just a privilege but a fundamental right for every Filipino,'” diin ni Romualdez. | ulat ni Kathleen Forbes