Handa ang Philippine National Police – National Capital Region Police Office (PNP-NCRPO) na umalalay sa mga maaapektuhang komyuter bunsod ng panibagong tigil-pasadang ikinakasa ng grupong PISTON simula ngayong araw, April 29.
Ayon kay National Capital Region Police Office Spokesperson, Police Lieutenant Colonel Eunice Salas, magpapakalat sila ng mobility assets na siya namang mag-aalok ng libreng sakay sa mga apektadong pasahero.
Mananatili aniyang katuwang ang PNP ng iba pang mga ahensya ng pamahalaan gaya ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para magbigay ng libreng sakay.
Tiniyak din ng PNP na mahigpit nilang ipatutupad ang “Maximum Tolerance” sa mga inihandang programa ng dalawang transport group dahil sa iginagalang ng mga ito ang kalayaan ng bawat Pilipino na maghayag ng kanilang saloobin
Pero ibang usapan na ani Salas kung mauulit ang ginawang paghambalang ng mga jeepney ng mga naturang grupo sa Welcome Rotonda nang huling magsagawa ng kilos protesta ang nasabing mga grupo. | ulat ni Jaymark Dagala