Mainit, maalinsangan, at nasa ‘danger level’ pa rin ang aasahang heat index sa maraming lugar sa bansa ngayong Lunes.
Batay kasi sa Heat Index Forecast ng PAGASA, nasa 36 na lugar ang posibleng makaranas ng hindi bababa sa 44°C na heat index.
Pinakamataas ang 47°C na damang init na inaasahan sa Dagupan City sa Pangasinan.
Babala ng PAGASA, sa ilalim nito, mataas ang posibilidad ng heat cramps, heat exhaustion, at heat stroke.
Bukod sa Pangasinan, nasa 45-46°C din ang heat index sa Laoag City sa Ilocos Norte; Bacnotan sa La Union; Aparri at Tuguegarao sa Cagayan; Echague sa Isabela; at sa Baler, Aurora.
Dito naman sa Metro Manila, nasa 42°C ang posibleng maitalang heat index sa Quezon City habang 43°C naman sa Pasay City. | ulat ni Merry Ann Bastasa