Muling ilalagay ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa Yellow Alert ang Luzon Grid dahil sa pagnipis ng reserba sa kuryente.
Ipatutupad ang Yellow Alert status simula mamayang alas-3 ng hapon hanggang alas-5 ng hapon, at mamayang alas-8 ng gabi hanggang alas-11 ng gabi.
Ayon sa NGCP, nawalan ng 1,443 megawatts ang Grid dahil nasa higit 20 planta ang naka-forced outage habang isa naman ang kapos ang kapasidad.
Nasa 14,902 megawatts naman ang available capacity sa Luzon Grid habang ang peak demand ay 13,823 megawatts.
Kung sakaling kapusin ng suplay, pinayuhan ng Meralco ang mga korporasyon at commercial establishments na kasapi sa kanilang Interruptible Load Program (ILP) na ihanda ang kanilang generator sets para makatulong na maiwasan ang pagkakaroon ng power outage. | ulat ni Merry Ann Bastasa